Sa bawat paglaban, naging pronte ang malaking bilang ng kabataan sa loob at labas ng ating bansa. Sa sari-saring porma, kanya-kanyang naipanalo ang bawat laban kasama sa pakikibaka ng mamamayan. Higit kailanman, naging makasaysayan ang ginampanang papel ng Kabataan gaya ng pagpapatalsik ng diktador noong Sigwa ng Unang Kwarto, pagsusulong ng libreng edukasyon para sa lahat, pandaigdigang panawagan para sa proteksyon ng kalikasan, pagbandera ng #BlackLivesMatter at patuloy na paninindigan sa karapatang pantao.
Ngayon, mismo sa ating bansa, patuloy na ibinabandila ng kabataan ang lakas ng kanilang hanay para tutulan ang implementasyon ng kontra-mamamayang Terror Law, pagwaksi sa panghihimasok ng China sa ating karagatan at pagpapanagot sa rehimeng Duterte sa kanilang pandarambong dahil sa kawalan ng sapat na ayuda at suporta sa mamamayan at sa manggagawang medikal sa kabila ng kinakaharap nating pandaigdigang krisis sa kalusugan. Hindi natitinag ang kanilang pwersa sa kabila ng pagbabanta, pagpapatahimik at pang-aatake, bagkos ay mas lalong lumalakas at lumalawak ang diwang palaban ng kabataan para maangkin ang ganap na kalayaan at demokrasya.
Sa pagbabalik ng klase, mas hinahamon ang kabataan na manindigan para tutulan ang mga kontra mag-aaral at pahirap na mga polisiya na hindi angkop sa kakayanan ng nakararaming pamilya sa ating bansa. Naging dagdag pasanin sa mga magulang ang “blended learning” sapagkat marami ang nawalan ng trabaho at walang kakayanang bumili ng mga mamahaling teknolohiya na gagamitin sa pag-aaral. Gayundin, napilitang magkusa ang mga guro sa paggagawa ng mga modyul na syang gagamitin din na paraan sa pagtutro gamit ang personal nilang rekurso. Ang kalidad ng edukasyon na makukuha sa online learning ay hindi sasapat dahil sa posibleng interapsyon kagaya ng signal at pokus ng mag-aaral.
Sa selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng kabataan, malaking panawagan ng ating hanay ang ligtas na balik eskwela para sa seguridad ng mga mag-aaral, mga guro at mga personel sa paaralan. Mas nagiging matunog ang pagtutol sa komersyalisadong pamamalakad sa edukasyon na magbibigay benepisyo lamang sa malalaking kompanya. Kasabay nito ay ang pagpepresyur sa pamahalaan na ponduhan ang sektor sa kalusugan at unahin ang #MassTesting at mariinang contact tracing para maresolba ng madalian ang kinakaharap nating krisis sa kalusugan.
Ang sektor ng kabataan, partikular sa pambansa-demokratikong organisasyon ng League of Filipino Students-Bacolod ay patuloy na guguhit ng kasaysayan at tutungo sa kalunsuran para isulong ang kabuhayan, kalusugan, edukasyon at karapatan. Hinihikayat namin na makiisa ang kabataan sa loob at labas ng bansa sa laban para sa mas maayos at tahimik na pamumuhay. Sama-samang labanan at iwaksi ang hawak ng imperyalistang bansa, lubusang bawiin at depensahan ang kanya-kanyang pambansang soberanya.
#LabanKabataan
#LigtasNaBalikEskwela
Reference: League of Filipino Students Bacolod
